Bombo Medico 2018: Higit P33-M halaga ng gamot, serbisyo, naipagkaloob; higit 74-K katao natulungan

     3 days ago
41
2 Comments
9 SHARE

Sa kabila ng malakas na ulan dulot ng pinalakas na habagat dahil sa super typhoon Gardo, sumulong pa rin ang libu-libo nating mga kababayan para tumanggap ng libreng gamot, dental, optical, at marami pang serbisyo sa Bombo Medico 2018.

Umaabot sa 84,365 na mga kababayan nating kapus-palad sa iba’t-ibang panig ng bansa ang panibagong natulungan kasunod ng taunang Bombo Medico ng Bombo Radyo Philippines.

Una rito, sabay-sabay na isinagawa ang Bombo Medico 2018 sa mga pangunahing lugar sa Pilipinas na mayroong Bombo Radyo at Star FM stations kung saan ang Bombo Medico ay namahagi ng libreng gamot para sa mga may karamdaman, libreng bunot ng ipin at marami pang mas pinalawak na mga serbisyo at paglilingkod sa ating mga kapuspalad na kababayan.

Ang isinagawang Bombo Medico 2018 ay kasunod nang ika-52 taong anibersaryo nang pagkakatatag ng Bombo Radyo Philippines noong taong 1966.

Liban sa 34,208 na nabigyan ng serbisyong medikal, nasa 11,152 naman ang naka-avail ng dental services, habang nasa 11,777 din ang nakatanggap ng iba pang libreng serbisyo, tulad ng libreng reading glasses, wheelchairs, canes o tangkay, crutches, dentures, prothetics, hearing aid at marami pang iba.

Sa katatapos na Bombo Medio 2018 umaabot sa P 16 na Milyon na halaga ng mga medisina at iba pang health products ang ipinamigay sa mga nangangailangan ng tulong sa gamot kasama na rito ang mga dental patients.

Humigit kumulang naman sa P33,750,000 na katumbas na halaga ng libreng konsulta, bunot ng ngipin at iba pang mga serbisyo o cost of services ang ibinigay ng libre sa pamamagitan ng mga espesiyalistang doktor, dentista at iba pang allied health professionals na buong puso at boluntaryong nag-alay ng kanilang oras para lamang makatulong sa ating mga kababayang mahihirap.

Ang simultaneous nationwide medical at dental mission ay isa sa malalaking programa na binuo sa ilalim ng chairman ng Bombo Radyo Philippines na si Dr. Rogelio M. Florete, para matulungan ang ating mahihirap na mga kababayan at bilang bahagi na rin ng corporate social responsibility.

Ang isa pa sa mga proyekto ng Network na tuwing buwan naman ng Nobyembre isinasagawa ay ang Dugong Bombo.

Ang bloodletting activity ay idinaraos din nang sabay-sabay sa mga Bombo Radyo at Star FM stations nationwide.

Ang matagumpay na namang Bombo Medico ay dahil sa pakikipagtulungan ng ating mga sponsors tulad ng Department of Health (DOH), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Boie, Fern C, UHP, at Federation of Indian Chamber of Commerce.

Ang mga lugar kung saan ginanap ang Bombo Medico 2018 ay kinabibilangan ng lungsod ng Maynila, Tuguegarao, Cauayan, Laoag, Vigan, La Union, Dagupan, Baguio, Naga, Legazpi, Bacolod, Iloilo, Roxas, Kalibo, Cebu, Tacloban, Davao, General Santos, Butuan, Koronadal, Cotabato,
Dipolog, Cagayan de Oro at Zamboanga City.

Sa ngalan po ng management and staff ng Bombo Radyo Philippines ang taus-puso naming pasasalamat sa ating mga sponsors, doctors, medical staff at iba pang mga volunteers na naging bahagi ng Bombo Medico 2018.

Source link

Post Comments