Boracay nasa ilalim na ng state of calamity – Proc. 475

     3 months ago
21
Leave a Comment
4 SHARE

Inilabas na ngayon ng Malacañang ang proklamasyon para sa pagdedeklara ng state of calamity sa Boracay Island.

Batay sa Proclamation No.475, kabilang sa isinaillaim sa state of calamity ang mga barangay ng Balabag, Manoc-manoc at Yapak ng Malay, Aklan para sa gagawing rehabilitasyon sa isla.

Ginamit na legal basis sa proklamasyon ang ilang probisyon sa Konstitusyon partikular ang Sections 15, 16 at 2 ng Article II na nagsasaad ng obligasyon ng estado na protektahan at isulong ang kalusugan ng mga mamayan, gayundin ang pangangalaga sa yamang dagat ng bansa sa loob ng territorial sea at exclusive economic zone (EEZ).

Nakapaloob sa proklamasyon na matapos ang ginawang imbestigasyon at validation ng inter-agency task force, napatunayang mataas ang konsentrasyon ng coliform o bacteria mula sa dumi ng tao sa Bolabagog beaches na nasa Silangang bahagi ng Boracay Island dahil sa problema sa sewerage system, nasa 14 lamang mula sa 51 establishments malapit sa baybayin ng isla ang compliant o tumatalima sa Philippine Clean Water Actg of 2004, umaabot din 90 hanggang 115 tonelada ng basura ang nalilikom sa isla araw-araw pero nasa 30 tonelada lamang ang kayang hakutin ng local government kada araw habang apat na lamang mula sa siyam na “wetlands” sa Boracay Island ang nananatili dahil sa mga iligal na istrukturang itinayo.

Dahil dito, mahalaga daw ang gagawing pagsasara sa isla mula ngayong araw hanggang Oktubre 25, 2018 para sa gagawing paglilinis at rehabilitasyon.

Mananatili umano ang state of calamity declaration sa Boracay hanggang bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng nakatakdang panahong anim na buwan.

Naatasan naman ang lahat ng departamento at tanggapan ng pamahalaan para ipatupad ang closure order at magsagawa ng kinakailangang rehabilitation works kasama na ang mga nakapaloob sa Boracay Action Plan.

Ang PNP, Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang law enforcement agencies, kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay inaatasang panatilihin ang kaayusan at seguridad ng isla habang ito’y nakasara mula sa mga turista.

Source link

Post Comments