Duterte sa AFP: ‘Wag nang ituloy ang helicopter deal sa Canada

     7 months ago
32
Leave a Comment
8 SHARE

DAVAO CITY – Ipinakakansela ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang procurement nito ng mga helicopters sa bansang Canada.

Kasunod ito ng pasya ng gobyerno ng Canada na repasuhin ang $233-million helicopter deal dahil baka umano gamitin ang mga ito sa pagsupil sa mga komunistang grupo.

Sa isinagawang press conference ni Pangulong Duterte sa Davao City, sinabi nito na maghanap na lamang umano ang militar ng ibang supplier.

“I want to tell the AFP to cut the deal. Huwag na ituloy. Somehow we will look for another supplier,” wika ng pangulo.

Sa kabila nito, nirerespeto pa rin umano ng presidente ang desisyon ng Canada pero inatasan nito ang AFP na huwag na umanong bumili ng mga armas mula sa nasabing bansa maging sa Estados Unidos.

Nito lamang Pebrero 6, nilagdaan na ng Pilipinas at Canada ang isang kasunduan ukol sa pagbili ng bansa ng 16 na Bell helicopters na nakatakdang i-deliver sa susunod na taon.

Ayon sa AFP, pamalit raw ito sa mga lumang helicopters ng Philippine Air Force na gagamitin sana sa internal security operations ng militar, maging sa kanilang search-and-rescue at disaster response operations.

Ngunit isang araw matapos ang pirmahan, ipinag-utos ng Canada na kanila munang pag-aaralan ang naturang kasunduan.

Source link

Post Comments