Higit P1-B anti-dengue vaccine refund, gagamitin bilang supplemental budget?

     3 months ago
18
1 Comment
5 SHARE

Posibleng gamitin bilang supplemental budget ang P1.6 billion na isinauli ng Sanofi Pasteur sa mga hindi nagamit na Dengvaxia anti-dengue vaccines.

Ito ang pinag-aaralan daw ngayon ng House Appropriations Committee matapos sabihin ng Department of Health (DOH) sa briefing sa komite na may inilatag na programa at plano ang kagawaran kung saan gugugulin ang nasabing pondo.

Ayon sa DOH, kabilang sa mga popondohan ay ang medical assistance program para sa mga Dengvaxia patients (P84 million), outpatient care package (P776.250 million), deployment ng mga nurses, health education at promotion officers (P67.807 million), proposed active case finding o profiling (P300 million) at distribution ng mga medical kits sa mga nabakunahan (P270 million).

Sa kabuuan, aabot sa mahigit P1.197 billion ang nakalaan sa programa at plano ng DOH na maaaring hugutin mula sa pera na isinauli ng Sanofi Pasteur.

Samantala, kinuwestiyon ni House Appropriations Committee Chairman Karlo Alexei Nograles ang plano ng DOH na mamahagi ng medical kits sa mga nabakunahan ng Dengvaxia.

Sinabi kasi ng DOH na sa oras na gawing supplemental budget ang isinauling P1.6 billion ng Sanofi Pasteur para sa mga hindi nagamit na bakuna, kukuha rito ng P270 million para sa ipapamahaging medical kits.

Ayon kay Nograles, masyadong malaki ang alokasyon sa programang ito ng DOH sapagkat ang laman lamang ng mga medical kits ay thermometer, isang bote ng mosquito repellent at dalawang bote ng multi vitamins.

Tinutulan din ng grupo ng mga magulang ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia ang planong ito ng DOH.

Binigyan-diin ng presidente ng grupo na si Sumachen Dominguez, na hindi ang medical kits ang pinaka-kailangan ng mga nabakunahan nilang anak.

Samantala, iginiit naman ni Nograles na dapat unahin ng DOH ang profiling sa mga nabakuhan noon.

Source link

Post Comments