‘ICC prosecutor sa Duterte case, hihimuking dumalaw sa Phl’

     2 months ago
13
Leave a Comment
5 SHARE

Hihilingin ng kampo ng self confessed gunman at umano’y dating miyembro ng Davao Death Squad (DDS) na si Edgar Matobato na madalaw ito ni International Criminal Court Prosecutor Fatou Bensouda.

Sa harap ito ng sitwasyon ni Matobato na hindi makalabas ng bansa dahil sa mga kasong kaniyang kinakaharap.

Ayon sa abogado nito na si Atty. Jude Sabio sa panayam ng Bombo Radyo, marami silang options para maiparating sa ICC ang argumento ng kaniyang kliyente para sa kasong crime against humanity laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“Pwede namang magtungo sa Pilipinas si Presecutor Bensouda para makausap nila si Edgar Matobato,” wika ni Sabio sa interview ng Bombo Radyo.

Tiniyak din nitong may mga ebidensya at testigo pa silang maihaharap, kapag tuluyan nang umusad ang reklamo sa ICC.

Matatandaang preliminary examination pa lang ang naianunsyo ng prosekusyon at hindi pa ang mismong preliminary investigation.

Gayunman, ikinokonsidera na ito ng kampo ni Matobato na panimulang tagumpay ng kanilang complaint.

Maliban sa dating gunman, naghain din ng reklamo sa ICC laban kay Pangulong Duterte sina Magdalo Rep. Gary Alejano at Sen. Antonio Trillanes IV.

Pero para sa Malacanang, sinabi ni Sec. Harry Roque na walang mararating ang kaso at sa huli ay maibabasura lamang ito kapag nasuri ang nagsasalungatang mga pahayag ni Matobato.

Source link

Post Comments