‘Kababalaghan’ sa pagkabasura ng kaso vs ‘drug lords’ sisilipin – Palasyo

     6 months ago
23
Leave a Comment
4 SHARE

Ipinapasilip ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Justice (DoJ) kung may naganap na “kababalaghan” kaya nabasura ang drug trafficking case laban sa mga suspected drug lords na sina Kerwin Espinosa, Peter Lim at Peter Co.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, kung may nagmaniobra o naghokus-pokus sa kaso ng tatlong suspected drug lords ay nais ni Pangulong Duterte na maparusahan ang mga ito.

Ayon kay Roque, hindi papayagan ng gobyerno na makawala ang mga “big fish” lalo na kung may mga ebidensiya sa kanila sa illegal drug trade.

“Ang pangako po ng ating Presidente, eh kung kulang ang ebidensiya, dadagdagan; at kung mayroong kababalaghan, parurusahan naman ang mga responsable ‘no,” ani Sec. Roque.

Kasabay nito, inamin ni Roque na nababahala sila sa pagkakabasura ng reklamo pero hindi nila alam kung ano ang naging basehan ng National Prosecution Service (NPS) sa pagbasura sa kontrobersyal na illegal drugs case.

“Bibigyan ko po ng kumpirmasyon na nababahala kami sa pagbabasura ng reklamo. Pero gaya ng aking sinabi, hindi naman namin alam kung ano ang basehan ng mga piskal kung bakit binasura iyan at hindi pa tapos ang proseso ng pagre-review. Siguro sapat na, na naparating natin sa DoJ na nababahala ang Malacañang sa ganitong desisyon at dahil dito po eh talagang masusi nilang pag-aaralan kung dapat bang dagdagan o dapat baligtarin iyong naging desisyon ng investigating panel,” dagdag ni Sec. Roque.

Source link

Post Comments