Koko kay Trillanes: Kung may ebidensiya vs Duterte sa korte na lang

     7 months ago
27
Leave a Comment
7 SHARE

Sinupla ni Senate President Koko Pimentel ang panukala ni Sen. Antonio Trillanes IV na imbestigahan sa Senado ang umano’y tagong-yaman ng pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Inaakusahan ni Trillanes sa paglabag ang Pangulo at anak nitong si Davao City Mayor Sarah Duterte-Carpio sa Anti-Money Laundering Act.

Sagot naman ni Pimentel, hindi Senado ang dapat na mag-imbestiga sa isyu dahil nasa ilalim ng lehislatura ang tungkulin ng mataas na kapulungan.

“If he really has the evidence then he should bring an actual case in the proper body. (The) Senate is not the body for that. We are part of legislative action,” ani Pimentel.

Pinaalala rin nito ang nauna nang akusasyon ni Trillanes sa presidential son na si Paolo Duterte sa usapin naman ng P6.4 bilyon shabu shipment sa Bureau of Customs.

“Before, he (Trillanes) tried it against Pulong Duterte and Mans Carpio. Now it’s the same thing against other members of the Duterte family. ”

Sa inihain ni Trillanes na Senate Resolution No. 602, nakasaad na bigo umanong ilabas ng mag-amang opisyal sa kanilang State of Assets, Liabilities and Networth (SALN) sa mga nakaraang taon ang kanila raw joint deposits at investments sa Bank of the Philippine Islands (BPI) na mahigit P100 milyon.

“….direct the Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies to conduct an inquiry, in aid of legislation, into the possible violation of Republic Act. 9160, as amended, otherwise known as the Anti-Money Laundering Act by no less than President Rodrigo Roa Duterte and Mayor Sara Duterte-Carpio,” alegasyon pa ng senador.

Para naman kay Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies chairman Francis “Chiz” Escudero, tila pader daw ang haharapin ng kanyang kapwa senador kung hindi rin ito papansinin ng mga bangko tulad na lamang ng Bank of the Philippine Islands Greenhills sa San Juan City at Julia Vargas, Mandaluyong City branch.

Binigyang diin ng committee chair ang panuntunan ng Bank Secrecy Law, kung saan hindi pwedeng basta maglabas ng impormasyon ang isang bangko nang walang kasong inihahain kaugnay sa hinihiling ng complainant.

Pero sa kabila nito, ani Escudero ay susubukan pa rin niyang pag-aralan at dinggin ang panukala ng kapwa senador bilang chairman ng komite, ngunit gayunpaman, depende pa rin naman umano ito sa magiging sagot ng inaakusahang kampo.

“If it is referred to me, it’s my policy to hear all resolutions and bills referred to any of my committees,” paglilinaw ni Escudero.  “However, as to how far we can go would depend on the cooperation of the depositors concerned. Without it, we will always be hitting a wall because of the Bank Secrecy Law…”

Sinabi naman ni Presidential Spokesman Harry Roque, wala ng saysay pag-usapan pa ito dahil panahon pa ng eleksyon ang alegasyon at luma na itong tugtugin.

Giit ni Roque, parang sirang plaka ang isyu ng umano’y kwestyunable at hindi isinapublikong transaksyon ng mag-amang Duterte.

Kung maaalala ilang araw bago ang 2016 elections, inakusahan ni Trillanes ang pangulo na noon ay mayor pa ng kabiguang ideklara ang sinasabing P211 million na yaman nito na nakakalat umano sa 17 accounts.

Source link

Post Comments