Labi ng Pinay na pinatay sa Kuwait na itinago sa freezer, nasa Iloilo na

     2 months ago
41
Leave a Comment
7 SHARE

ILOILO CITY – Bumaha ng luha sa Iloilo International Airport sa pagdating ng labi ng Ilongga OFW na si Joanna Daniela Dimafelis ng Barangay Ferraris, Sara, Iloilo na pinatay ng kaniyang amo sa Kuwait at isinilid sa freezer.

Alas-5:50 kaninang madaling araw nang lumapag ang Philippine Airlines (PAL) Flight 2139 sa Iloilo International Airport lulan ang labi ni Joanna.

Inihatid ito ng kaniyang mga kapatid at ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac at Deputy Administrator Arnell Ignacio at ilang opiyal mula sa Department of Foreign Affairs.

Nakasuot ang mga ito ng puting T-shirt na may nakasulat na “Justice for Joanna Demafelis”.

Higit 200 mga kababayan naman ni Joanna ang sumama sa paliparan sa pagsalubong sa mga labi nito, na may bitbit pang mga tarpaulins na may nakasulat na “Justice for Joanna.”

Kabilang din sa mga nag-abang sa paliparan ang mga lokal na opisyal sa pangunguna nina Iloilo Fifth District Rep. Raul Tupas, Sara Mayor Carmelita Salcedo at OWWA Region 6 director Wilfreda Misterio.

Paglabas ng kabaong ni Joanna sa cargo area, kaagad itong tinakbo ng bunso sa magkakapatid na Dimafelis na si Joyce, at niyakap habang humahagulgol.

Hindi rin maampat ang pag-iyak ng mag-asawang Eva at Crisanto Dimafelis at sumama ang pakiramdam ng ginang matapos mayakap ang kabaong ng anak.

Halos hindi makapagsalita si Gng. Eva nang makapanayam ng Bombo Radyo at napaiyak na lamang bagama’t pilit daw tinatanggap ang sinapit ng anak.

Inihayag naman ng kapatid ni Joanna na si Joey Dimafelis na hindi nito matanggap ang karumal-dumal na ginawa sa Pinay worker.

Ayon kay Joey, parang itinuring na isda ang kaniyang kapatid na isinilid sa freezer at nais na kung ano ang sinapit ng nakakabatang kapatid ay siya ring iparanas sa mga amo nito.

Source link

Post Comments