Mga senador binatikos ang pahayag ng NEDA na sapat ang P10k para sa isang pamilya

     2 months ago
25
Leave a Comment
16 SHARE

Hindi na lang kami hihinga.

Ito ang isa sa mga naging reaksyon ni Senador Ping Lacson ukol sa pahayag ng isang opisyal ng National Economic Development Authority (NEDA) na sapat na ang P10,000 kada buwan para sa isang pamilya na may limang miyembro.

Dagdag pa ni Lacson, kakasya din sa isang pamilya ang naturang halaga kung sa isang araw ay isang beses na lang kakain at hindi na maliligo para makatipid sa tubig gayundin ang paglalaba at pagsisipilyo.

Maglalakad na lamang din sila para hindi na gumastos sa pasahe ngunit kailangan nilang hindi pawisan dahil hindi na lalabhan ang kanilang mga damit.

Pakikiusapan na rin niya ang kanyang misis na kalimutan na ang sinusubaybayang telenovela dahil ibebenta na lang niya ang kanilang telebisyon.

Ipatatapon na rin niya ang cellphone ng kanyang mga anak para wala nang gastos sa load.

Samantala, hinamon ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang mga opisyal ng NEDA na ibaba sa P10,000 kada buwan ang kanilang sahod at subukan itong pagkasyahin sa mga gastusin ng kanilang pamilya.

Tiwala si Recto na sa loob ng tatlong buwan ay susuko na ang mga opisyal at babaguhin ang kanilang kalkulasyon.

Hindi naman malaman ni Senador Chiz Escudero kung saan planeta ang tinutukoy ng NEDA dahil tiyak aniya siyang hindi ito sa Metro Manila o sa Pilipinas.

Dagdag pa nito dapat linawin baka ang sinasabing kita ng isang pamilya ay tig-P10,000 ang mag-asawang nagtatrabaho.

Source link

16 SHARE

Post Comments