No-El nilalakad ngayon sa Kamara ayon sa isang mambabatas

     2 months ago
10
Leave a Comment
4 SHARE

 

Posibleng walang maganap na eleksyon para sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) at 2019 elections.

Ito ang naging pahayag ni Caloocan Representative Edgar Erice.

Aniya, mismong si Oriental Mindoro Representative Reynaldo Umali ang nagsabi nito sa ginanap na pagpupulong ng mga mambabatas sa Metro Manila noong nakaraang Martes ng gabi.

Napag-usapan umano ng mga mambabatas ang tungkol sa charter change, pederalismo sa bansa, at ang muling pagpapaliban ng barangay at SK elections.

Ayon umano kay Umali, hindi pa agad na matatapos ang binabalangkas na bagong saligang batas na aakma para sa pederalismo, kaya dapat ay ipagpaliban muna ang barangay at SK elections at isabay na lamang ito sa isasagawang plebesito sa October.

Sakaling pagbigyan ito ay maaari na ring hindi na magkaroon pa ng 2019 elections sa May para sa tuloy-tuloy na pagbabago ng konstitusyon.

Sinabi pa ni Erice na nais ni Umali na maghakot ng mga tao ang mga mambabatas sa kalakhang Maynila para sila ang manawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa no elections o no-el.

Depensa naman ni Erice, sinabi niya kay Umali na hindi uubra ang gusto niyang gawin dahil ‘overstaying’ na sa posisyon ang karamihan sa mga kasalukuyang nanunungkulan sa barangay level.

Aniya pa, kailangang magkaroon ng eleksyon sa 2019 para naman makapili ang mga mamamayan ng bagong mga barangay leaders dahil mayroong ilan na hindi gumaganap ng kanilang tungkulin sa publiko.

Sa naganap na pagpupulong ng mga mambabatas, hindi naman umimik ang mga congressmen mula sa Metro Manila tungkol sa nais ni Umali.

Diin pa ni Erice, walang basbas mula sa pangulo ang gusto ni Umali, at wala rin itong counterpart sa Senado.

Source link

4 SHARE

Post Comments