Pahayag ng US Intel community vs Duterte, ikinabahala ng Palasyo

     7 months ago
24
Leave a Comment
8 SHARE

Aminado ang Malacañang na nakababahala ang naging pahayag ng US Intelligence community na nagsasabing banta sa demokrasya si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, hindi tamang nanggagaling ang ganitong mga pahayag sa isang bansang itinuturing nitong kaibigan dahil mistulang sinisiraan na rin nito ang Pilipinas.

Ayon pa kay Roque, mas nakababahala ito lalo’t nanggaling ang ganitong mga pahayag sa Intelligence community ng Amerika.

Inihayag ng kalihim na hindi naman kaila na ang Intel-community din Amerika ang nasa likod ng pagpapabagsag sa iba’t ibang gobyerno lalo na sa Central America.

Ang Intel-community rin umano ang nanguna para pabagsakin ang Sandinista government ng Nicaragua.

Binigyang-diin pa ni Roque na walang batayan ang pahayag na mayroong “autocratic tendencies” si Pangulong Duterte.

Nabanggit din na isa raw ang Presidente sa mga Southeast Asian leaders na banta raw sa demokrasya at human rights sa rehiyon.

Buwelta naman ni Roque, naniniwala silang na isa itong lantarang panghuhugsa sa Pangulo na wala namang mga basehan.

Dagdag ni Roque, ipinauubaya na rin nila sa Departure of Foreign Affairs (DFA) ang pagdedesisyon kung maghahain pa ito ng diplomatic protest laban sa Estados Unidos.

Samantala, maging si House Speaker Pantaleon Alvarez ay hinimok din ang Department of Foreign Affairs na maghain ng diplomatic protest laban sa Amerika.

“Unang-una, mag-ano ng protesta yung DFA kasi, anong pakialam nila sa atin, di ba? Sila nga itong maraming kalokohan sa iba’t ibang bansa,” ani Speaker Alvarez.

Iginiit ng lider ng Kamara na ang US daw ang siyang tunay na banta sa demokrasya dahil sa panghihimasok at pakikialam daw nito sa soberenya ng maraming bansa sa mundo para matiyak lamang na mapanatili nila ang kanilang impluwensya bilang world power.

“Well para sa akin, yung United States of America, sila yung banta sa demokrasya ng buong mundo at saka sila yung talagang gumagawa ng maraming kalokohan sa iba’t ibang bansa para lang mapasunod nila. Nanghihimasok sila, nakikialam sa independence at sovereignty of several nations in the world,” sambit pa ni Alvarez.

Kaugnay nito, hinimok ni Alvarez ang taumbayan na magkaisa at protektahan ang soberenya ng Pilipinas sa panghihimasok na ginagawa ng Estados Unidos.

Pero sa kabila nito, dapat pa rin aniyang manatiling maganda ang relasyon sa pagitan ng dalawang bansa pero dapat sa huli ang interes pa rin ng Pilipinas ang siyang dapat mangibabaw.

Source link

Post Comments