Palaban na si Sereno, tinuligsa si Duterte, hinamong mag-resign

     1 min ago
0
Leave a Comment
0 SHARE

Halos isang linggo matapos na patalsikin ng kanyang mga kasama sa Supreme Court (SC) nagsalita ngayon si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno upang tuligsain ang mga nasa likod sa quo warranto petition laban sa kanya at si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ginawa ni Sereno ang mga pahayag sa kanyang pagsasalita sa Quo Vadis, Quo Warranto forum na inisponsor ng grupong Manlaban sa EJK at Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa Ortigas Avenue sa Pasig City.

Ipinaalala ng dating punong mahistrado ang naging pangako raw ng Pangulo na magre-resign kung mapatunayang ito ang nasa likod sa tangkang pagpatalsik sa kanya.

Ayon kay Sereno, mismong nanggagaling na raw sa bibig ng Pangulo ang naging pahayag na pag-uutos sa Kongreso sa kanyang impeachment case at tutulungan pa raw si Solicitor General Jose Calida.

Hamon ni Sereno, ito ang patunay raw na ang Presidente nga ang nasa likod ng lahat kaya dapat lamang na mag-resign.

Kung maalala ang quo warranto petition ni Calida ang siyang pinagbasehan ng SC en banc sa botong 8-6 na tuluyang nagpatanggal sa chief justice.

“Ano pong ibig sabihin noon, ‘yong kahapong sinasabi niya na hindi totoo at magre-resign daw siya pang ilang beses na po nating narinig na magre-resign siya. Galing sa kanyang bibig ang pag-amin na siya ang pasimula at magpupursige sa pagtanggal sa akin, puwes ginong pangulo mag-resign kana,” ani Sereno.

Ilang isyu pa ang tinalakay ni Sereno kabilang na ang panawagan na dapat magising na ang taongbayan.

Inakusahan din ni Sereno ang Pangulo na siyang nagpagulo sa Supreme Court at siya pang nag-uudyok sa paghamak sa rule of law o due process.

Kinuwestiyon din nito kung bakit hindi itinuloy ang impeachment proceedings na handa naman niyang harapin.

Inungkat din nito ang mistulang pagkamuhi ng Presidente sa mga babae tulad nang hindi pagkagusto sa isang babaeng Ombudsman.

Samantala binanatan din ng dating chief justice ang Pangulo dahil sa pagiging malapit daw sa bansang China at kay President Xi Jinping.

Dapat umano ay nasa bansa ang accountability ni Duterte at hindi sa bansang China.

Naniniwala rin ang dating mahistrado na hindi lamang nagbabadya ang diktadurya sa bansa kundi sa tingin daw niya ay baka umiiral na.

Kaugnay nito, inihayag naman ni Presidential Spokesman Harry Roque na ayaw na nilang patulan pa si Sereno sa mga naging patutsada nito.

Bago naman dumalo si Sereno sa IBP event sa hapon, sa umaga naman ay naging bahagi rin ito sa forum sa Ateneo de Manila University.

Nakasama naman ni Sereno sa IBP forum on Republic v Sereno bilang mga speakers sina 1986 ConCom member Christian Monsod, NUPL head Atty. Neri Colmenares at IBP head Atty. Abdiel Fajardo.

Source link

0 SHARE

Post Comments