Palasyo dumistansya sa ‘pagkakulong’ ni Pastor Quiboloy sa Hawaii

     6 months ago
23
Leave a Comment
7 SHARE

Ipinauubaya na umano ng Malacañang kay Pastor Apollo Quiboloy ang pagdepensa ng sarili kaugnay sa pagkakadiskubre umano ng US Customs officials sa Hawaii ng undeclared $350,000 o nasa P17 million cash at mga parte ng baril sa loob ng sinakyang private plane.

Magugunitang napabalitang pansamantalang nakulong umano noong Pebrero 13 si Pastor Quiboloy sa Hawaii pero nakalabas din at nakauwi na ng bansa matapos umanong akuin ng isang kasamahang US citizen ang mga hindi naideklarang milyun-milyong pera at rifle parts.

Si Pastor Quiboloy ay founder ng Kingdom of Jesus Christ at malapit na kaibigan at spiritual adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, wala na rin silang komento sa isyu dahil isang pribadong indibiwal si Pastor Quiboloy at kaya naman nitong idepensa ang kanyang sarili.

Ayon pa kay Sec. Roque, maging ang Pangulong Duterte ay wala ding pahayag at hindi makikialam sa kinakaharap ng kaibigang pastor.

Pero inihayag ni Roque na gaya sa ibang Pilipinong nagkakaproblema sa ibang bansa, handang tulungan ng gobyerno lalo ng ating consular officials si Pastor Quiboloy para mabigyang proteksyon ang kanyang mga karapatan.

“Naku eh wala naman kaming komento diyan dahil si pastor naman po ay isang pribadong indibidwal at diumano eh dahil meron siyang $350,000 eh kaya naman niyang depensahan ang kanyang sarili pero siyempre po lahat ng Filipino na nagkakaroon ng problema sa kahit saan sa daigdig na ito eh binibigyan din natin ng kahit anong proteksyon, sinisigurado ang kanilang karapatan ay nasisiguro at lahat naman po ‘yan ay binibigyan ng tulong ng ating consular officials,” ani Sec. Roque.

Source link

Post Comments