‘Posibleng may mas ‘explosive’ pa sa Mayon eruption; higit 72,000 na ang evacuees’

     7 months ago
17
Leave a Comment
3 SHARE

(Update) LEGAZPI CITY – Hindi pa rin inaalis ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang posibilidad ng mas malakas pang pagsabog na ihahatid ng bulkang Mayon sa kabila ng ilang araw na ring naoobserbahang pagputok nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Phivolcs Dir. Renato Solidum, sinabi nito na matatawag na umanong “explosive” ang patuloy na aktibidad na ipinapakita ng bulkan sa ngayon ngunit may mas explosive pa umano ang pwedeng mangyari kagaya noong 2000 at 2001 eruption na nagdala ng matatayog na itsa ng mga bato at abo sa ere habang mistulang kanyon ang tunog ng putok.

Kaugnay nito, pinaigting pa ng ahensya ang pagbabantay sa pagkipot ng bunganga ng bulkan gayundin ang pagitan ng mga naoobserbahang pagputok.

Sakali umanong mangyari ito, mas delikado at mas mataas ang aabutin ng mga ilalabas na materials lalo na’t hindi maayos na nakakasingaw ang pwersa sa loob na gustong kumawala.

Sa ngayon, nasa apat hanggang limang oras pa rin ang mga pagitan ng pagputok o lava fountaining na naoobserbahan.

Kaninang pasado ala-sais ng umaga ay muling namalas ang pagbuga ng abo at pagpakawala ng lava ng Mayon.

Dakong alas-8:51 nitong umaga muli na namang naobserbahan ang ash column mula sa tuktok ng bulkan.

Samantala, umabot na rin sa 18,904 families o nasa 72,091 na indibidwal na mula sa 57 barangays na apektado ang nananatili ngayon sa 71 evacuation centers sa Albay.

Source link

Post Comments