Robredo: Pagkuha ng China Coast Guard sa huli ng mga mangingisdang Pinoy, nakababahala

     1 min ago
0
Leave a Comment
0 SHARE

Umaasa si Vice President Leni Robredo na kagyat umanong tutugunan ng Duterte adminstration ang isyu hinggil sa pangunguha umano ng mga kasapi ng Chinese Coast Guard sa huling isda ng mga mangingisdang Pinoy sa bahagi ng Panatag Shoal.

Sinabi ni Robredo na nababahala raw ito sa naturang aksyon ng Chinese Coast Guard na isa umanong lantarang pagbalewala sa karapatan ng mga Pilipino sa nasabing teritoryo.

Hindi na rin aniya dapat pang mag-atubili ang gobyerno kaugnay sa isyu ng panghihimasok ng Beijing sa mga teritoryo ng bansa, alang-alang umano sa kapakanan ng mga mangingisda.

“Hindi na lamang ito usapin ng batas, kundi ng buhay at kabuhayan ng ating mga kababayan, lalo na sa panahong tila mas humihirap ang buhay sa pagtaas ng mga bilihin. Umaasa ang taumbayan na parating uunahin ng ating pamahalaan ang pagtanggol sa kanyang kapakanan, higit sa ano pa man,” saad ni Robredo.

Una nang lumabas ang balitang palagi umanong kinukuha ng mga kasapi ng Chinese Coast Guard ang ilan sa mga magagandang isdang nahuhuli ng mga Pinoy sa naturang bahagi ng karagatan.

Kaugnay nito, ayon naman kay Sen. Aquilino Pimentel III, hindi na raw kailangan pang mamagitan ang international arena hinggil sa kontrobersya.

Pero naniniwala ang mambabatas na hindi umano mababago ng insidente ang ugnayan ng Pilipinas at China.

Tugon ito ni Pimentel sa pahayag ni acting Chief Justice Antonio Carpio na puwede umanong maghaing muli ang Manila ng panibagong kaso kontra Beijing dulot ng nabanggit na insidente.

Source link

0 SHARE

Post Comments